Pormal nang umupo bilang bagong acting-director ng Rizal Police Provincial Office (PPO) si Col. Eleazar Ruga Barber, Jr kapalit ni Col. Feloteo Gonzalgo.
Sa pagpapalit ng liderato, hindi lamang isang ordinaryong opisyal ang nakuha ng lalawigan, kundi isang lider na may kakaibang timpla ng talino at karanasan.
Pero sana naman katulad din siya ni Gonzalgo na tunay na “Darling of Press.”
Ang katotohanang isa si Barber sa mga pumasa sa 2025 Bar Exams ay isang malaking bentahe.
Sa panahong madalas kwestyunin ang pagsunod sa due process ng kapulisan, ang pagkakaroon ng isang “abogado-pulis” sa timon ay nagbibigay ng kumpyansa na ang bawat operasyon sa labintatlong bayan at isang lungsod ng Rizal ay magiging lapat sa batas.
Hindi rin matatawaran ang kanyang karanasan sa security and protection. Mula sa pagbabantay sa House of Representatives hanggang sa paghawak ng RPSPU2 sa Cagayan Valley, malinaw na sanay si Barber sa paghawak ng mabibigat na responsibilidad.
Hindi nakapagtataka na sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan noong Pebrero 4, agad na nalambat ang limang most wanted suspects sa rehiyon—isang maingay na panimula na nagpapatunay na hindi siya mangingimi sa pagpapatupad ng kaayusan.
Tama ang naging pahayag ni Gov. Nina Ricci Ynares sa kanyang pagtanggap kay Barber: may dahilan upang maging positibo ang mga Rizalenyo.
Sa ilalim ng pamumuno ng isang opisyal na may disiplina ng pulis at dunong ng isang abogado, inaasahan nating mas magiging ligtas ang lalawigan.
Hamon ngayon kay Barber na panindigan ang mataas na ekspektasyong ito. Ang simula ay maganda, ngunit ang tunay na sukatan ay kung mapananatili niya ang bagsik laban sa kriminalidad habang pinananatili ang integridad ng Rizal PPO.
Muli, congratulations Col. Barber!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
