Nanindigan si MAMAMAYANG Liberal party-list Representative Leila de Lima nitong Sabado na sapat at matibay ang mga ebidensyang nakapaloob sa impeachment complaint na inindorso nila ng Akbayan laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ang pahayag na ito ni De Lima ay tugon sa naging depensa ni Duterte kung saan minaliit ng huli ang reklamo bilang isang “papel na walang kalakip na ebidensya” at purong pamumulitika lamang.
Sa isang Facebook post, tahasang sinabi ni De Lima na ang mga linya ng Bise Presidente ay paulit-ulit na lamang at ginagamit upang iwasan ang pagsagot sa mga seryosong alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin pa ng kinatawan na na-impeach na noon ang Bise Presidente sa Kamara base sa kaparehong mabibigat na basehan na nakasaad sa reklamong inindorso nila ni Akbayan Rep. Perci Cendaña, ngunit nabulilyaso lamang ito sa Korte Suprema dahil sa isang teknikalidad.
Ayon kay De Lima, kung hindi dahil sa nasabing teknikalidad ay dapat sana ay sumasailalim na sa paglilitis sa Senado ang Bise Presidente noon pa man.
Dagdag pa niya, mas naging solido pa ang mga ebidensya ngayon kaya kampante silang papasa ito sa form at substance sa House Committee on Justice.
Hinamon din ni De Lima si Duterte na sa halip na gumamit ng retorikang pampulitika at personal na atake ay patunayan na lamang nito na walang basehan ang mga paratang, dahil kung hindi ay dapat itong managot sa batas.
