Mariing itinanggi ni Senador Rodante Marcoleta ang mga ulat na iminumungkahi niya ang pagsuko ng Kalayaan Island Group (KIG) sa mga dayuhang kapangyarihan, sa pagsasabing ang kanyang mga naunang pahayag ay kinuha sa maling konteksto.
Ang paglilinaw ng senador ay bunsod ng matinding batikos na kanyang natanggap matapos ang pagdinig ng Commission on Appointments (CA) noong Pebrero 4, 2026, kung saan kinuwestiyon niya kung nararapat bang mag-alay ng buhay ang mga Pilipino para sa mga isla na aniya ay nasa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon sa senador, ang kanyang naging komento tungkol sa “pag-give up” sa KIG ay hindi isang polisiya kundi isang hypothetikal na senaryo lamang upang ipakita ang komplikasyon sa paggawa ng opisyal na mapa ng West Philippine Sea na tatanggapin ng international community.
Ipinaliwanag ni Marcoleta na ang kanyang punto ay nakaangkla sa mga alituntunin ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang proseso ng pagsusumite ng mapa sa International Hydrographic Organization (IHO). Giit niya, ang pagpilit na isama ang KIG sa mapa ng West Philippine Sea ay maaaring ituring na pag-okupa sa “high seas” na labag sa pandaigdigang batas dahil ang ilang bahagi nito ay lagpas na sa 200-nautical mile EEZ.
Binanatan din ng senador ang mga kritiko na sadyang pinuputol umano ang kanyang pahayag upang palabasin na hindi siya makabayan.
Sa kabila ng paliwanag na ito, nananatiling matatag ang paninindigan ng Malacañang at ng ilang eksperto sa batas-dagat na ang KIG ay bahagi ng soberanya ng Pilipinas sa ilalim ng Presidential Decree 1596 at hindi dapat gamitin bilang opsyon sa anumang usaping diplomatiko.
