Umabot sa mahigit 1.3 milyong pasyente ang nakinabang sa libreng serbisyong medikal sa mga ospital na pinatatakbo ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng programang Zero Balance Billing (ZBB).
Sa isang pahayag ng kagawaran nitong Sabado, ibinahagi na mula Hulyo hanggang Disyembre 2025 ay kabuuang PHP 74.65 bilyon na halaga ng mga bayarin ang ganap na sinagot ng gobyerno para sa mga pasyenteng naka-admit sa mga basic o ward accommodation.
Ang polisiya ng ZBB ay mahigpit na ipinatutupad sa lahat ng mga pasilidad na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOH upang matiyak na walang babayaran ang mga kuwalipikadong mamamayan.
Sa ilalim ng 2026 national budget, lalo pang pinalakas ang suporta para sa programang ito matapos pagkalooban ng karagdagang tig-isang bilyong piso ang Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Children’s Hospital, at National Kidney and Transplant Institute.
Ang nasabing dagdag-pondo ay inilaan partikular para sa mga komplikadong operasyon at pamamaraang medikal.
Bukod sa mga pambansang ospital, naglaan din ang pamahalaan ng PHP 1 bilyon para sa mga piling ospital na pinatatakbo ng mga lokal na pamahalaan upang mas mapalawak pa ang maaabot ng libreng serbisyo.
Tinitiyak ng DOH na mananatiling inklusibo ang programa dahil hindi bababa sa 90 porsiyento ng mga kama sa kanilang mga pasilidad ay nakatalaga para sa basic accommodations.
Dahil sa malaking alokasyong ito, tinatayang 90 porsiyento rin ng mga pasyenteng naisusugod sa ospital ang awtomatikong kuwalipikado sa ilalim ng ZBB.
Ang pinalawak na pondong ito ay bahagi ng pangako ng gobyerno na gawing mas madali at abot-kaya, o tuluyang libre, ang serbisyong pangkalusugan para sa mga mahihirap at mga pamilyang hirap sa pananalapi sa buong bansa.
