Patay ang tatlong armadong lalaki matapos maka-engkwentro ng mga pulis at sundalo kasunod ng madugong pananambang kay Mayor Akmad Ampatuan Sr. nitong Linggo, Enero 25.
Naganap ang ambush sa isa sa mga kalsada ng Shariff Aguak kung saan pinasabugan ng B40 anti-tank rocket at pinagbabaril ng mga suspek ang konboy ng mayor.
Sugatan sa nasabing pag-atake ang dalawa sa mga bodyguard ni Ampatuan na kinilalang sina Pfc. Manuel Arcega Dondiego ng Army’s 90th Infantry Battalion at Lakman Eso Tips.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Bangsamoro Regional Hospital para malapatan ng lunas.
Matapos ang pag-atake, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay abong minivan. Agad namang nagsagawa ng pursuit operation ang mga volunteer community watchmen, kapulisan, at militar hanggang sa makorner ang mga salarin sa Barangay Meta sa karatig-bayan ng Datu Unsay.
Sa halip na sumuko, nagbukas ng apoy ang mga suspek na humantong sa isang maikling bakbakan.
Kinilala ng mga lokal na opisyal ang tatlong nasawing ambusher na sina Budtong Alim Pendatun, Tekz Malid Pendatun, at Puasa Oting Madid, na pawang nagtamo ng maraming bala sa katawan.
Kinumpirma rin ng mga traditional Moro leaders na ang mayor ang pangunahing target ng pag-atake at hindi ang mga kasama nito sa ibang sasakyan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tinangkang patayin si Mayor Ampatuan. Mahigit isang dekada na ang nakalilipas, sugatan din ang alkalde sa isang katulad na ambush sa Cotabato-Isulan Highway habang papunta sa Cotabato City.
Sa ngayon, nananatiling naka-alerto ang mga awtoridad sa lalawigan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan matapos ang insidente.
