Nag-anunsyo ang Philippine Airlines (PAL) nitong Sabado, Enero 24, ng pagkansela sa ilang biyahe nito patungong Estados Unidos dahil sa nararanasang matinding winter storm na bumabagtas sa iba’t ibang bahagi ng Amerika.
Batay sa advisory mula sa PAL Corporate Communications, kabilang sa mga kinanselang flight ang PR126 (Manila-New York) na nakatakda sana ngayong Enero 24, 2026, at ang PR127 (New York-Manila) para sa Linggo, Enero 25, 2026. Ang hakbang na ito ay bunsod ng banta ng makapal na niyebe at mapanganib na kondisyon sa panahon na inaasahang magpapalumpo sa operasyon ng mga paliparan sa New York at karatig-lugar.
Kasabay nito, nagpalabas na rin ng paalala ang Philippine Embassy sa Washington D.C. at ang Philippine Consulate General sa New York para sa mga komunidad ng Pilipino sa South, Midwest, at Northeast regions. Pinapayuhan ang mga kababayan na limitahan muna ang pagbiyahe, manatili sa loob ng tahanan, at maghanda para sa posibleng “extreme conditions” at banta ng “catastrophic ice” na dulot ng bagyong binansagang “Winter Storm Fern.”
Ayon sa ulat ng National Weather Service, ang nasabing bagyo ay maaaring magdala ng pinsalang maihahalintulad sa isang hurricane, partikular na sa mga lugar na matatamaan ng matinding pag-yelo.
Sa kasalukuyan, hindi pa matukoy ng PAL kung hanggang kailan magpapatuloy ang aberya sa kanilang serbisyo dahil nakadepende ito sa magiging paggalaw ng panahon.
Pinapayuhan ang lahat ng mga pasaherong apektado na regular na i-monitor ang kanilang flight status sa official website o mobile app ng airline bago tumuloy sa paliparan.
Inabisuhan din ang mga biyahero na makipag-ugnayan sa PAL para sa rebooking o iba pang opsyon sa biyahe upang maiwasan ang pagkaka-stranded sa gitna ng inaasahang libu-libong flight cancellations sa buong Amerika ngayong weekend. (Limuel Tolentino)
