Balik-sigla ang boksing sa Pilipinas dahil muling uugong ang “Thrilla in Manila” sa ika-50 anibersaryo nito ngayong Oktubre 29 at bida ang dating world champ na si Mark “Magnifico” Magsayo.
Makakasagupa ng 30-anyos na taga-Tagbilaran, Bohol si Michael Magnesi ng Italya sa isang WBC super featherweight title eliminator, kung saan ang panalo ay may karapatang hamunin si O’Shaquie Foster para sa korona.
Si Magsayo, may kartadang 28-2 record na may 18 knockouts, ay nasa apat na sunod na panalo matapos ang kanyang matagumpay na pag-akyat sa 130lbs division. Huli niyang binugbog si Jorge Mata sa pamamagitan ng unanimous decision.
Pero hindi basta-basta kalaban si Magnesi. Ang Italyano ay may 25-2 record na may 13 KOs at kilala ring matibay sa ring. Bagama’t natalo sa laban kontra Masanori Rikiishi, mabilis itong bumawi sa dalawang panalo laban kina Kevin Trana at Khalil El Hadri.
Ang bakbakang ito ay hindi lang basta laban, ito’y suntukan para sa kasaysayan, kasabay ng paggunita sa legendary fight nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong 1975. (RON TOLENTINO)
