Sa unang tingin, parang magandang balita ang Konektadong Pinoy Act. Sino ba naman kasi ang may ayaw sa mabilis at mas murang internet, mas maraming kumpetisyon at mas malawak na digital access?
Pero kung ating susuriin nang mas malalim mga Ka-Berdugo, masisilip natin ang mga butas.
Kabilang nga sa mga ito ang panganib sa seguridad, kawalan ng regulasyon at pagbuwag sa mga safeguard na dapat sana’y nagpoprotekta sa publiko.
Sinasabi ng Globe Telecom na susuportahan nila ang gobyerno sa pagpapahusay ng standards para sa kaligtasan ng publiko.
Hindi ito pagtutol sa mas malawak na konektibidad, kundi babala laban sa kawalan ng malinaw na guardrails.
Tama sila, mga ka-Berdugo.
Ang telco networks ay hindi lang negosyo, strategic asset ito ng bansa. Kapag mahina ang depensa, bukas ang pinto sa cyberattacks, ekonomiyang nalalagay sa peligro at banta sa pambasang seguridad.
Pinaka-problematiko ang two-year grace period para sa mga bagong papasok bago sumunod sa cybersecurity certification. Sa panahon ngayon na bawat linggo may bagong cyberattack, ang dalawang taong exemption ay hindi flexibility, ito ay malaking butas. Ang Data Privacy Act at Cybercrime Prevention Act ay ginawa para sa agarang proteksyon, hindi delayed compliance.
Dagdag pa rito, pinapayagan ng batas ang paggamit ng spectrum ng mga satellite operator nang kulang sa regulasyon.
Oo, mas malawak na access sa papel, pero sa totoong buhay, pwedeng maapektuhan ang frequencies ng depensa at disaster response. Ibig sabihin mga ka-Berdugo, sa gitna ng bagyo o lindol kung kailan pinakamahalaga ang komunikasyon, baka doon pa sumablay ang sistema.
Tanggal din ang congressional franchise requirement, isang mekanismo ng oversight na matagal nang nagtitiyak ng accountability. Ngayon mga ka-Berdugo, mawawala ang patas na labanan. Ang matagal nang nag-invest sa ilalim ng mahigpit na regulasyon ay kailangang makipagsabayan sa bagong players na hindi dadaan sa parehong proseso.
At ano ang resulta?
Investor flight, mabagal na upgrades at depektibong serbisyo na ang konsyumer ang magbabayad.
Wala namang masama sa layunin ng batas, ang koneksyon ay hindi na luho kundi batayang pangangailangan. Pero ang koneksyon na walang kasamang proteksyon ay hindi progreso, bagkus isa itong sugal. Awit!
Kung seryoso ang pamahalaan sa digital future ng bansa, eh kailangan ituwid ang batas. Isara ang cybersecurity loopholes, linawin ang spectrum management at ibalik ang oversight.
Mga ka-Berdugo, kailangan natin ng mabilis na internet sa bansa, pero mas kailangan ang pag-iingat.
