Ipinanukala ng Land Transportation Office (LTO) ang diskwalipikasyon sa pagkuha ng driver’s license para sa 19 na residente ng San Rafael, Bulacan na nasangkot sa ilegal na motorcycle racing at exhibition sa bypass road nitong buwan.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, ang rekomendasyon ay resulta ng isinagawang pagdinig nitong Agosto 27, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) na habulin ang mga abusadong motorista.
Kabilang sa mga idinidiskwalipika ang anim na nakadalo sa hearing, apat na kasalukuyang nakakulong, at siyam na menor de edad na nahuling nagmamaneho rin ng motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon ng LTO at operasyon ng Highway Patrol Group, inaresto ang siyam na nasa hustong gulang at ikinustodiya ang 12 menor de edad matapos ireklamo ng publiko ang ginagawang karera at exhibition sa lugar.
Lumabas sa pagdinig na wala ni isa sa kanila ang may hawak na lisensya. “Ito ay seryosong kaso, pero magsilbing babala ito, hahabulin namin kayo kung lalabag kayo sa batas trapiko,” babala ni Asec. Mendoza.
Nadiskubre ring hindi nakarehistro at walang plaka ang mga motorsiklong ginamit, bukod pa sa paglabag sa driving without license, failure to wear helmet, driving an unregistered vehicle, at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Inamin naman ng mga magulang ng mga menor de edad na pinayagan nilang magmaneho ang kanilang mga anak dahil motorsiklo lamang ang gamit ng mga ito papunta at pauwi sa paaralan.
Ang kaso ay kasalukuyan nang nasa proseso ng resolusyon.
