Agad na nagpakalat ng mga tauhan sa buong bansa para tulungan ang mga truck at sasakyang may kargang relief goods at pagkain — para siguradong makarating ang ayuda sa mga binabahang lugar.
Ayon kay LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., inutusan na niya ang lahat ng regional directors na maglagay ng sapat na tao sa kalsada para tulungan ang mga sasakyang may dalang ayuda, rescue equipment, at mga pangunahing bilihin.
“May utos si Secretary Dizon — siguraduhing tuloy-tuloy ang daloy ng goods kahit may ulan, baha, o landslide,” ani Pua.
Pero hindi lang tulong ang dala ng LTO — may kasamang hulihan din!
Kasabay ng pagbaha ng tubig, bumaha rin ng reklamo sa social media tungkol sa mga pasaway na driver na walang pakundangan kahit basa at madulas ang daan.
“Kaya inutusan ko ang mga LTO enforcer: hulihin ang mga rekless driver! Hindi porket ulan, puwede nang maging kamote sa kalsada!” babala ni Pua.
Umapela rin ang LTO sa publiko na isumbong ang mga abusadong driver sa hotline ng AksyOn The Spot: 0929-292-0865
“Sa panahon ng kalamidad, hindi lang relief goods ang dapat mabilis — pati ang aksyon kontra pasaway sa daan!” pagtatapos ni Atty. Pua.
