Hindi pinalampas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang naranasang pagmamalabis ng K-Pop star na si Soobin, miyembro ng grupong TXT, matapos itong singilin nang sobra ng isang taxi driver habang nagbabakasyon sa Cebu noong nakaraang buwan.
Dahil sa insidenteng ito na nag-viral sa social media at umani ng milyun-milyong views, naglabas ng matapang na kautusan si LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II para sa mas mabigat na parusa laban sa mga abusadong tsuper.
Base sa kumalat na video, siningil ang singer ng halagang P500 mula sa orihinal na presyong P350, at kalaunan ay pinilit pa itong pagbayarin ng P1,000 dahil sa katuwirang gumagamit umano ang taxi ng “special fuel.”
Ayon kay Chairperson Mendoza, ang ganitong mga gawain ay naglalagay sa bansa sa kahihiyan kaya naman gagawin itong “test case” para sa bagong polisiya ng ahensya na naglalayong protektahan ang mga komyuter sa ilalim ng direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at DOTr Secretary Giovanni ‘Banoy” Lopez.
Bilang bahagi ng mahigpit na aksyon, inutusan na ang Regional Director ng LTFRB Region 7 na tukuyin ang driver at operator upang agad na ma-impound ang yunit ng taxi habang nakabinbin ang trial.
Bukod sa administratibong kaso na maaaring humantong sa pagbawi ng prangkisa, mahaharap din ang mga sangkot sa mga kasong kriminal tulad ng Estafa at paglabag sa Public Service Law.
Makikipagtulungan din ang LTFRB sa Land Transportation Office (LTO) para sa tuluyang pagbawi sa lisensya ng naturang driver.
Binigyang-diin ni Mendoza na ang pag-impound ng sasakyan at pagsasampa ng kasong kriminal ang magiging bagong standard ng LTFRB sa pagdisiplina sa mga pasaway na driver.
Matatandaang noong siya pa ang pinuno ng LTO, ipinatupad niya ang polisiya na tanging court order lamang ang makakapaglabas sa mga sasakyang na-impound, isang hakbang na muli niyang gagamitin upang matiyak na magtatanda ang mga mapagsamantalang indibidwal sa sector transportation.
