Maaaring mapatawan ng suspensyon o tuluyang bawian ng lisensya ang kontrobersyal na Puerto Rican player na si Ismael Romero Fernandez kung ipipilit ng Meralco Bolts na irehistro ito bilang import para sa PBA Season 50 Commissioner’s Cup.
Ito’y matapos kumpirmahin ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Atty. Francisco Rivera na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng kanilang professional sports division ang pananakit ni Romero sa Fil-Am player na si Nick Demusis.
Ang insidente ay naganap sa Dubai Invitational habang naglalaro si Romero para sa Al Ahli Tripoli-Libya laban sa Zamboanga Valientes.
Ayon kay Rivera, hindi mangingimi ang GAB na magpataw ng disiplina dahil lahat ng propesyonal na atleta ay saklaw ng “code of ethics” na nag-uutos ng respeto at pag-iwas sa pananakit sa kapwa manlalaro.
Binigyang-diin din ng hepe na kahit sa ibang bansa nangyari ang gulo, may hurisdiksyon pa rin ang GAB sa sandaling mag-apply ang manlalaro ng lisensya para makapaglaro sa Pilipinas.
Bagaman isinasagawa na ng GAB ang kanilang “due diligence,” ipinaliwanag ni Rivera na hihintayin muna nila ang magiging hakbang at rekomendasyon ng PBA.
Bilang isang regulatory body, tinitingnan ng GAB ang kanilang papel na parang isang appellate court kung saan ang liga muna ang dapat magdesisyon dahil sa umiiral na kontrata sa pagitan ng manlalaro, koponan, at ng PBA mismo.
Nakuha na rin ng isyung ito ang atensyon ng mga batikang coach sa PBA gaya nina Yeng Guiao at Tim Cone, na kapwa nagpahayag na dapat harapin ni Romero ang kaukulang parusa sa ginawa nito kay Demusis.
Sa kasalukuyan, hinihintay din ng GAB ang opisyal na reklamo mula sa pamunuan ng Zamboanga Valientes na naiulat na naghahanda na ng kaukulang kaso laban sa Puerto Rican player bilang suporta sa kanilang manlalaro. (Ron Tolentino)
