May 18, 2024

Likas daw talagang matulungin sa kapwa… NORA AUNOR, TINULUNGAN SI BOY ALANO AT ANG MGA TAGA-SAMPALOC

KILALA n’yo pa ba si Boy Alano?  Nakasama siya sa mga pelikula ng ating Superstar na si Nora Aunor. Si Boy Alano, ay sumikat bilang child star at nang magkaedad na ay napasama siya sa mga pelikula ni Nora Aunor gaya ng  ‘Tomboy Nora,’ ‘Tell Nora I Love Her,’ ‘Munting Santa,’ ‘Ang Pangarap Ko’y Ikaw,’ ‘Three For The Road,’ ‘Orang’ at marami pang iba.

Naghihirap na raw ang actor na si Boy Alano? Wala na itong bahay. Dala na rin ng kanyang katandaan ay tuluyan na itong pinabayaan ng kanyang pamilya, at ang balita nga namin ay na sa Sampaloc area ito nanunuluyan.

Kinupkop ito ng isang kagawad at sinagot nito ang maliit na tirahan ng dating aktor pati na rin ang kanyang pagkain sa araw-araw.

Nalaman ito ni Superstar Nora Aunor, kaya nagdesisyon siya na hanapin ang dating aktor upang madalhan ito ng tulong. Sa tulong ng Noranians Worldwide (NOW) nitong nakaraang July 18, kasabay ng pagbibigay ni Ms. Aunor nang ayuda sa 100 pamilya sa Sampaloc, Maynila, isinabay na rin niya ang pagbibigay ng isang sakong bigas, noodles, mga damit at cash ang ibinahagi ni Nora Aunor kay Kuya Boy Alano.

Si Mr. Edgar Castro ang namuno at ang miyembro ng NOW ang nagtulong-tulong upang magkaroon nang kaganapan ang magandang adhikaing na makatulong ni Superstar Nora Aunor sa kanyang mga kapwa tao. Sana  maging daan ito para magbigay ng tulong ang iba pang mga artista kay Kuya Boy Alano.