Bilang pagpupugay sa sakripisyo at malasakit ng mga “ikalawang magulang” ng kabataan, inimbitahan ni Mayor Maan Teodoro ang lahat ng guro sa lungsod (mula public hanggang private schools) para sa isang espesyal na movie day ngayong Marikina Teachers’ Day, Biyernes, Disyembre 12.
Libre ang movie tickets at snacks para sa mga guro sa SM Marikina, bilang bahagi ng handog ng lokal na pamahalaan para bigyan sila ng isang araw na pahinga at kasiyahan.
“Sa dami ng sakripisyong ginagawa ng ating mga guro at sa tindi ng kanilang pagtatrabaho para hubugin ang kabataan, maliit na paraan lang ito para maiparating namin ang aming taos-pusong pasasalamat,” pahayag ni Mayor Maan.
Dagdag pa ng alkalde, hindi lamang tagapagturo ang mga guro, kundi nagsisilbi rin silang mga ikalawang magulang na gumagabay sa asal at kinabukasan ng mga bata.
Upang lubos na ma-enjoy ng mga guro ang pagdiriwang, nagdeklara ang lungsod ng “no classes” para sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Binibigyang-diin din ni Mayor Maan na ang espesyal na araw na ito ay pagkilala sa malaking papel ng mga guro sa paghubog ng mga mag-aaral at pagpapalakas ng komunidad.
“Taon-taon, araw-araw, nasa silid-aralan sila kasama ang mga kabataan, ginagampanan ang responsibilidad na tumulong humubog sa kinabukasan ng ating bayan,” ani Teodoro.
Sa bisa ng Marikina City Ordinance No. 31, Series of 2010, ginugunita ang Marikina Teachers’ Day tuwing ikalawang Biyernes ng Disyembre. (Arnold Pajaron Jr)
