Nagpahayag ng matinding sentimyento si Batangas Representative Leandro Legarda Leviste hinggil sa kasalukuyang politikal na sitwasyon sa bansa na tinawag niyang isang “De facto Martial Law.”
Ayon sa mambabatas, bagama’t walang pormal na deklarasyon, malinaw na nararamdaman ang panunupil sa bansa dahil sa takot ng marami na masampahan ng kaso.
Binigyang-diin niya na tila may pinapaboran sa katarungan, kung saan ang mga kritiko ng administrasyon ang mabilis na pinupuntirya habang malaya at protektado naman ang mga kaalyado ng pamahalaan.
Dahil sa ganitong sistema, binatikos ni Leviste ang mabilis na pag-apruba sa mga batas nang walang sapat na debate at ang pagpasa sa bilyun-bilyong pisong budget na hindi man lamang kinukuwestiyon.
Iginiit niya na ang mga pondong ito ay nagagamit sa pagbabayad sa ilang media at social media personalities, pati na rin sa pagpapatakbo ng mga troll farm na ang pangunahing layunin ay magpalaganap ng fake news at hiyain ang sinumang tumutuligsa sa gobyerno.
Inihalintulad niya ang kasalukuyang kalagayan sa panahon ng diktadura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ngunit ipinaalala niya na sa kabila ng panggigipit sa mga negosyo at pagpapakulong sa mga lumalaban noon, hindi sumuko ang oposisyon at ang pribadong sektor.
Naniniwala ang kinatawan ng Batangas na ang mga naglalakas-loob na magsalita sa ngayon ay magtatagumpay rin laban sa korapsyon tulad ng mga nauna sa kanila.
Gayunpaman, nag-iwan siya ng isang babala para sa mga pinipiling manatiling tahimik, dahil maaalala umano sila bilang mga kasabwat sa itinuturing niyang pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa huli, umapela siya sa taumbayan na protektahan ang mga nagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa katiwalian sa gobyerno upang matiyak ang isang mas maayos na kinabukasan para sa bayan.
