Muling uminit ang palitan ng salita sa pagitan ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz at ang dating Chairman ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na si Greco Belgica.
Ito ay matapos mag-post si Diaz nitong January 25, 2026, bilang tugon sa naging pahayag ni Belgica na ang usaping gobyerno ay para lamang sa mga “tunay na lalaki.”
Sa kanyang Facebook post, hindi pinalampas ni Diaz ang tila pag-exclude sa ibang kasarian sa diskursong pampulitika.
Ayon kay Diaz, ang gobyerno ay para sa lahat ng mamamayang Pilipino—maging bakla, tomboy, o kahit sino pa man.
Binigyang-diin din niya na marami sa mga tagasuporta ni Belgica ay kabilang sa LGBTQ+ community, kaya’t kinuwestiyon niya kung nais lang ba ng dating opisyal na manatili ang mga ito sa loob ng parlor o dress shop sa halip na makialam sa bayan.
Hindi lang sa isyu ng gender natapos ang banat ni Diaz. Hinamon din niya ang integridad at track record ni Belgica noong ito pa ang namumuno sa PACC.
Tahasang tinanong ng manager kung mayroon ba talagang “big fish” o malaking personalidad na naipakulong ang komisyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Nangako pa si Diaz ng isang public apology kung mapapatunayan ni Belgica na may nahuli siyang bigating tiwali sa gobyerno.
Dagdag pa rito, kinaladkad din ni Diaz ang isang post ni Atty. Jesus Falcis kung saan inaakusahan si Belgica ng kawalan ng aksyon sa isang graft complaint laban kay Sen. Loren Legarda noong panahon ng administrasyong Duterte.
Ayon sa naturang post, tila “inupuan” o binalewala ang reklamo hinggil sa isang solar franchise.
Sa huli, hinamon ni Diaz si Belgica na patunayan ang pagiging “Barako ng Taon” sa pamamagitan ng pagsagot sa mga isyung ibinabato sa kanya.
Aniya, ang isang tunay na lalaki ay dapat kayang harapin ang katotohanan at hindi nagtatago sa linyang “man of few words.”
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Belgica hinggil sa mga pinakabagong banat na ito ni Diaz.
