Mariing pinaalalahanan ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen ang mga kawani ng Office of the Ombudsman na manatiling apolitical o walang kinikilingang panig sa politika sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Sa kanyang naging talumpati nitong Martes, Pebrero 10, sa Baguio City, binigyang-diin ni Leonen na ang pangunahing mandato ng tanggapan ay panagutin ang mga tiwaling opisyal at pangalagaan ang sistema ng hustisya laban sa kultura ng impunidad nang hindi tumitingin sa kulay ng politika.
Sa harap ng mga delegado ng Ombudsman’s Strategic and Operational Planning para sa taong 2026 hanggang 2032, ipinaalala ng mahistrado na bilang mga lingkod-bayan, dapat laging isaisip ng mga empleyado ng Ombudsman at Hudikatura na ang kanilang tunay na “principal” o pinaglilingkuran ay ang sambayanang Pilipino.
Binigyang-diin niya na higit na dapat paglingkuran ang mga mamamayang walang kapangyarihan na araw-araw na nakikipagtransaksyon sa mga opisina ng gobyerno at direktang nakasasaksi sa korapsyon sa bansa.
Ayon pa kay Leonen, ang pagiging tapat sa tungkulin nang walang kinikilingang paksyon ay mahalaga upang mapanatili ang integridad ng institusyon.
Aniya, ang bawat desisyon at hakbang ng Ombudsman ay dapat nakasandig sa hustisya at katotohanan, lalo na’t ang kanilang mandato ay magsilbing bantay ng bayan laban sa mga mapang-abuso sa katungkulan.
