Tuloy-tuloy ang isinasagawang malawakang crackdown ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga bus at PUV terminal na may mga sira-sira at napabayaang pasilidad sa buong bansa.
Sa ilalim ng gabay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, kinumpirma ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na as of February 16, umabot na sa 243 terminal ang nainspeksyon bilang bahagi ng hakbang na pilitin ang mga operator na magbigay ng maayos na serbisyo sa mga Pilipinong commuter.
Mula sa kabuuang bilang ng mga nainspeksyong terminal, 116 sa mga ito ang agad na isyuhan ng Show Cause Order (SCO) at Notice of Violation dahil sa iba’t ibang seryosong paglabag.
Kabilang sa mga nakitang problema ang kawalan ng maayos na silungan ng mga pasahero laban sa panahon, mga palikurang hindi gumagana, at masisikip na espasyo na nagkokompromiso sa kaligtasan ng publiko.
Napansin din ng ahensya ang kakulangan sa mga security measures at hirap na akses para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Mariing nagbabala si Chairperson Mendoza na hindi magdadalawang-isip ang ahensya na ipasara ang mga pasilidad na ito, lalo na’t ang operasyon ng mga terminal ay isang pribilehiyong may kaakibat na kondisyong magbigay ng komportableng serbisyo.
Binatikos din ng opisyal ang ilang terminal na nagagawa pang maningil sa paggamit ng CR, kung saan tila lumalabas na “utang na loob” pa ng mga pasahero ang serbisyo kahit obligasyon naman ito ng mga operator.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., tiniyak ng LTFRB na wawakasan na ang kaisipan ng ilang operator na binabalewala ang kapakanan ng mga commuter.
Batay sa datos, ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga nainspeksyong terminal na umabot sa 40, kasunod ang Central Luzon at Northern Mindanao na may tig-30, at Calabarzon na may 27.
Nangako si Mendoza na gagawin nilang “new normal” ang regular na inspeksyon upang matiyak ang patuloy na pagsunod ng mga transport companies sa buong Pilipinas.
