Mariing itinatanggi ng legal team ni Vice President Sara Duterte na “walang saysay” o isang “non-answer” ang isinumite nilang answer ad-cautelam sa House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Atty. Michael Wesley Poa, tagapagsalita ng legal team, binalewala ng komite ang mga pundamental na punto na inilatag ng kanilang panig sa gitna ng nagpapatuloy na proseso sa Kamara.
Binigyang-diin ni Poa na ang mga paratang ng plunder o pandambong ay kulang sa matibay na ebidensya at maituturing lamang na mga espekulasyon.
Ipinaliwanag niya na para mapatunayan ang plunder, dapat maipakita na ang isang opisyal ay nagkamkam o nag-ipon ng nakaw na yaman sa pamamagitan ng serye ng mga hayagang kilos.
Kinuwestiyon ni Poa kung nasaan ang alegasyon na nagpakita ng pag-amasa ng yaman, habang iginiit na ang mga paratang ay pawang “conclusions of law” o pansariling hinala lamang ng mga nagrereklamo.
Pinuna rin ng abogado ang paggamit sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte bilang basehan ng kaso.
Ayon kay Poa, ang pagtaas ng net worth sa SALN ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkakaroon ng ill-gotten wealth.
Iginiit niya na may mga “pundamental na depekto” ang mga reklamong impeachment dahil sa kakulangan ng mga detalye at kawalan ng mga dokumentong magpapatunay na direktang sangkot ang Bise Presidente sa anumang ilegal na kontrata o gawain.
Bagama’t idineklara na ng komite sa ilalim ni Batangas Rep. Gerville Luistro na “sufficient in grounds” ang dalawang impeachment complaints, hindi isinasara ng kampo ni Duterte ang pinto sa paglapit sa Korte Suprema.
Sinabi ni Poa na tinitingnan nila kung nilabag ng komite ang mga karapatan ng Bise Presidente, at kung hindi sila papakinggan sa antas ng komite, iyon na umano ang tamang panahon para dumulog sa mataas na hukuman.
Sa kasalukuyan, nakatakdang ituloy ng Kamara ang mga pagdinig habang nasa session break ang Kongreso.
