Nalambat ng mga awtoridad ang apat na indibidwal at nakumpiska ang halos P2.4 milyong piso halaga ng mga produktong petrolyo sa isang operasyon laban sa illegal trading sa lalawigan ng Albay kahapon.
Sa ulat na inilabas ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes, isinagawa ang raid sa Barangay Maipon sa pakikipagtulungan ng Department of Energy (DOE).
Kinilala ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II ang mga suspek sa mga pangalang Karl, Marlyn, Jon, at Rom.
Ayon sa opisyal, nahuli ang apat na nagbebenta ng gasolina at krudo nang walang kaukulang lisensya mula sa DOE.
Kabilang sa mga nasamsam ng CIDG Albay Provincial Field Unit ang tatlong portable fuel dispensers na may lamang 500 litro ng langis at isang fuel tanker na naglalaman ng 100 litro ng gasolina at diesel.
Binigyang-diin ni Maj. Gen. Morico na ang operasyon ay bahagi ng mas pinalakas na kampanya ng gobyerno laban sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 at Presidential Decree 1865, na nagbabawal sa pagbebenta ng petrolyo para sa tubo nang walang sapat na awtorisasyon.
Nagbabala rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi mangingimi ang pamahalaan na habulin ang mga nagsasagawa ng illegal trading, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sa kasalukuyan, pumalo na sa P90 hanggang P100 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang bahagi ng merkado dahil sa tensyon sa global oil market.
Hinihikayat ng CIDG ang mga mamamayan na agad isumbong ang anumang kahina-hinalang aktibidad o ilegal na pagtitinda ng krudo at gasolina sa kanilang mga komunidad upang matiyak ang kaligtasan at pagsunod sa batas.
