Posibleng magkaroon na ng pagbabago sa regulasyon ng Senado matapos ipag-utos ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pag-aaral sa pag-amyenda ng rules ng kapulungan, partikular na ang kawalan ng “no work, no pay” policy para sa mga mambabatas.
Ito ang kinumpirma ni Senator JV Ejercito, chairman ng Senate Ethics Committee, nitong Biyernes. Ayon kay Ejercito, kinausap na niya ang Senate President at naibigay na ang instruksyon sa Rules Committee na pinamumunuan ni Majority Leader Migz Zubiri.
Ang hakbang na ito ay bunsod ng kinakaharap na reklamo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na apat na buwan nang hindi nagpapakita sa Senado. Huling namataan ang senador noong Nobyembre 2025 bago ito tuluyang lumiban sa mga sesyon.
Matatandaang nagsimula ang pagkawala ni Dela Rosa matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang tungkol sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng “war on drugs.” Si Dela Rosa ay tinukoy ng ICC bilang isa sa mga “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilinaw ni Ejercito na ang pag-amyenda sa rules ay usaping “procedural” at hindi para pagtakpan ang kapwa senador.
Aniya, kung diringgin ang reklamo ngayon nang walang kaukulang panuntunan sa “no work, no pay,” maaari lamang itong ma-dismiss.
“Hindi po ‘yan bias. Hindi po sa pinagtatakpan natin si Senator dela Rosa. It’s a procedural issue,” paliwanag ni Ejercito.
Naghain ng pormal na reklamo ang grupong Wag Kang KuCorrupt laban kay Dela Rosa noong nakaraang buwan.
Hiniling ng grupo sa Ethics Committee na magsagawa ng pormal na inquiry, tukuyin kung may paglabag sa ethical standards at magpataw ng kaukulang parusa kung mapatunayang nagkasala.
Sa kasalukuyan, wala pang umiiral na probisyon sa Rules of the Senate o sa Committee on Ethics na nagpapatupad ng bawas-suweldo sa mga senador na hindi pumapasok sa trabaho.
