Isang matapang na pahayag ang binitiwan ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa gitna ng kanyang paglalantad sa malawakang korapsyon sa Bureau of Fire Protection (BFP), kung saan binigyang-diin niya na ang “pera sa nakaw” ay hindi dapat dinadala sa hapag-kainan ng pamilya.
Sa isang press briefing nitong Marso 19, 2026, isiniwalat ng Kalihim na personal siyang tinangkang suhulan ng mga opisyal ng BFP upang ituloy ang maanomalyang pagbili ng mga fire truck.
Ayon kay Remulla, inalukan siya ng P1.5 milyon na “kickback” bawat truck.
Sa nakaplano sanang pagbili ng 200 units sa loob ng isang taon, aabot sa P300 milyong suhol ang sana ay mapupunta sa bulsa ng Kalihim kung pumayag lamang siyang sumakay sa sistema.
Emosyonal na binalikan ni Remulla ang naging paalala sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa integridad sa pagseserbisyo.
“Si Pangulong Bongbong mismo nagsabi sa akin ‘yan eh: ‘Alam mo ‘yung pera sa nakaw, hindi mo pwedeng ipakain sa anak mo ‘yan eh. Ang karma, lalabas sa mga anak mo,'” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa ng Kalihim, hindi niya kayang sikmurain na buhayin ang kanyang mga anak gamit ang perang galing sa korapsyon.
“Wala sa dibdib ko na lima ang anak ko na ipapakain ko sila (ng) pera na galing dito sa corruption na ito,” giit niya.
Ang pagtangging ito sa suhol ang naging mitsa upang ipag-utos ni Remulla ang malalimang imbestigasyon sa BFP, na nagresulta sa pagsasampa ng patong-patong na kaso laban sa 45 opisyal ng kawanihan.
Natuklasan sa imbestigasyon na mula 2018 hanggang 2024, ang presyo ng fire trucks ay umakyat mula P6 milyon patungong P15 milyon bawat unit—isang 250% na pagtaas na hindi maipaliwanag ng simpleng implasyon kundi ng talamak na “overpricing.”
Sa huli, nanindigan ang Kalihim na panahon na upang linisin ang hanay ng mga bumbero at tiyakin na ang pondo ng bayan ay napupunta sa mga kagamitang magliligtas ng buhay, at hindi sa bulsa ng mga mapagsamantalang opisyal.
