NASA malubhang kalagayan ang isang lalaki nang pagsasaksakin ng lalaking nagalit makaraang hindi niya pahiramin ng cellphone sa Caloocan City.
Nakaratay habang inoobserbahan sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong saksak sa dibdib at bahagi ng tadyang ang 54-anyos na biktima na residente ng lungsod.
Nakakulong naman ngayon sa Custodial Facility Unit ng Caloocan City Police at nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si alyas “Lito”, 52, ng Brgy. 12, ng lungsod.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na dakong alas-11:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa Libis Talisay, Brgy. 12.
Lumabas sa imbestigasyon pulisya, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at suspek nang tumanggi itong ibigay sa huli ang kanyang cellphone dahil gagamitin nito sa online game na ‘scatter’.
Ikinagalit umano ito ng suspek at inundayan ng saksak ang biktima sa dibdib at bahagi ng tadyang bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa Caloocan City Medical Center bago inilipat sa nasabing pagamutan.
Sa isinagawa namang follow up operation ng mga operatiba ng Caloocan Police Intelligence Section sa pangunguna ni P/Capt. John David Chua, ay naaresto ang suspek dakong alas-3:00 ng hapon sa 2nd Avenue, Brgy., 41. (JUVY LUCERO)
