Inaresto ang isang 41-anyos na lalaki matapos ang umano’y pagnanakaw ng mga abokado sa isang sakahan sa Brgy. Lourdes, Dangcagan, Bukidnon, na nauwi pa sa isang tensyonadong hostage situation.
Ayon sa ulat ng pulisya, unang nadakip ang suspek dahil sa reklamong theft, ngunit habang ibinabyahe patungo sa himpilan ay nagawa nitong makawala sa kustodiya ng mga awtoridad.
Tumakas ang suspek patungo sa isang residential area sa Purok 1C at puwersahang pumasok sa isang bahay kung saan tinangay nito ang isang buntis na babae bilang hostage.
Gamit ang isang kutsilyo mula sa kusina, tinakot ng suspek ang biktima upang hindi siya muling maaresto ng mga humahabol na pulis.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at nagsagawa ng containment at negotiation operation upang mailigtas ang buntis.
Matapos ang negosasyon, matagumpay na na-subdue ng mga pulis ang suspek at narekober ang ginamit nitong armas. Ligtas na nasagip ang biktima at agad dinala sa ospital, kung saan kinumpirma ng mga doktor na nasa stable na itong kondisyon.
Mahaharap ngayon ang suspek sa patung-patong na kasong theft, hostage-taking, at resistance and disobedience to persons in authority.
