SA pagamutan ang bagsak ng anim katao matapos ang nangyaring malakas na pagsabog ng tangke ng super kalan sa kusina ng isang bahay sa Navotas City, Miyerkules ng umaga.
Dakong alas-9:27 ng umaga nang nangyari ang pagsabog sa Blk 33 Matang Baka St. Brgy. NBBS-Dagat-dagatan na hinihinalang dulot ng pagsingaw ng tangke ng super kalan habang tinatanggal ang burner sa tabi ng nakasinding gas stove.
Makikita rin sa kuha ng CCTV sa lugar ang pagtakbuhan ng mga naglalarong kabataang na muntik nang mahagip ng nagtalsikan na mga debris at bumagsak na tolda matapos ang pagsabog.
Dahil dito, nalapnos ang mukha, braso at katawan ng ginang na magluluto sana ng panindang mais, pati na rin ang dalawa niyang anak na nalapnos naman ang braso at katawan habang nasugatan din ang dalawa nilang bisita na nagkataong nasa loob ng kanilang bahay nang mangyari ang pagsabog.
Bahagya ring nagkaroon ng sunog sa lugar subalit, kaagad naman itong naapula ng mister ng ginang.
Mabilis namang isinugod ang mga biktima sa Tondo Medical Center habang isang kapitbahay pa nilang babae ang nagtamo ng sugat sa noo na ginamot naman sa Navotas City Hospital.
Nadamay din ang isa pang ginang na nasira ang damit at halos mahubaran na nakita pa sa CCTV habang naglalakad na umuusok pa ang likurang bahagi ng ulo.
Nagpaalala naman ang Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sa mga residente na iwasang gamitin sa loob ng kanilang bahay ang super kalan na idinisenyo lamang na pang-outdoor dahil nakapatong mismo ang burner nito sa tangke. (JUVY LUCERO)
