Milyun-milyong pensyonado ng Social Security System (SSS) ang nakatakdang makatanggap ng 10 porsiyentong dagdag sa kanilang buwanang retirement at disability pension simula sa Setyembre ngayong taon.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng tatlong taong Pension Reform Program ng SSS kung saan magkakaroon ng sunod-sunod na increase tuwing buwan ng Setyembre mula 2025 hanggang 2027 para sa mga kuwalipikadong miyembro.
Bukod sa nasabing pagtaas para sa retirement at disability, inanunsyo rin ng SSS na magkakaroon ng 5 porsiyentong dagdag para sa mga death at survivorship pensioners simula sa Agosto 31, 2026, na makikita sa kanilang mga payout sa Setyembre.
Ayon sa pahayag ng SSS, inaasahang aabot sa kabuuang 33 porsiyento ang itataas ng pensyon para sa retirement at disability, habang 16 na porsiyento naman para sa death at survivor pensioners pagkalipas ng tatlong taon.
Ang pagpapatupad ng umento sa pensyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matulungan ang mga nakatatanda, may kapansanan, at mga naiwang benepisyaryo na makasabay sa epekto ng implasyon at matiyak ang mas maayos na kalidad ng pamumuhay.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang eksaktong detalye ng kabuuang pondong ilalaan para rito, tiniyak ng ahensya sa mga miyembro na tuloy-tuloy ang nakaplano nilang dagdag-pensyon sa loob ng tatlong taon.
