Bagsak sa piitan ang isang 34-anyos na lalaki matapos maaresto ng mga awtoridad sa isang hot pursuit operation kasunod ng madugong pananaksak at paglaslas sa leeg ng isang residenteng kasalukuyang naka-live stream sa social media sa Barangay San Isidro, Parañaque City.
Sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Glenn Oliver C. Cinco, District Director ng Southern Police District (SPD), matagumpay na natunton at nadakip ang suspek na kinilala sa alyas na “Omay,” walang trabaho, at residente ng Silverio Compound sa naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente noong Mayo 28, 2026, bandang alas-2:30 ng hapon.
BASAHIN: LALAKI, NALUNOD SA ILOG MATAPOS MAG-INUMAN SA RIZAL
Batay sa pahayag ng mga saksi, abala ang biktimang kinilala sa alyas na “Tata,” 45-anyos, sa paglalaba habang sabay na gumagamit ng kanyang cellphone para sa isang social media live streaming.
Bigla na lamang umanong sumulpot mula sa likuran ang suspek na si alyas “Omay” at walang sabi-sabi nitong nilaslas ang leeg ng biktima bago sunod-sunod na sinaksak gamit ang isang matalim na patalim. Matapos ang brutal na pag-atake, mabilis na tumakas ang suspek dala ang armas na ginamit sa krimen.
Agad na isinugod ng mga kamag-anak ang biktima sa Uni-Health Parañaque Hospital and Medical Center bandang alas-3:00 ng hapon upang malapatan ng lunas, subalit idineklara itong patay ng attending physician dakong alas-3:41 ng hapon.
Sa pagsisiyasat ng mga imbestigador at ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), lumabas na matagal nang may personal na alitan ang biktima at ang suspek.
Nabatid sa mga rekord na nagtanim ng matinding galit at hinala ang suspek laban sa biktima dahil umano sa panunukso at pangungutya nito noong gabi ng Disyembre 31, 2023.
Naniniwala ang mga awtoridad na ang hindi naayos na sigalot ang mismong nag-udyok sa suspek upang isagawa ang pagpaslang matapos ang halos tatlong taon.
Agad namang naglunsad ng koordinadong hot pursuit operation ang mga tauhan ng San Dionisio Police Sub-Station, Investigation Section, at Intelligence Section sa ilalim ng superbisyon ni PCOL Nicolas S. Piñon, Chief of Police ng Parañaque City Police Station.
Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpapatunay ng intelligence information, natunton ng mga operatiba ang pinagtataguan ng suspek sa Barangay Singkamas, Makati City.
Bandang alas-9:00 ng gabi noong Hunyo 1, 2026, pormal na inaresto si alyas “Omay” sa ilalim ng Rule 113, Section 5(b) ng Rules of Court (lawful warrantless arrest sa ilalim ng hot pursuit).
Matapos ihain ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon, dinala ang suspek sa San Dionisio Police Sub-Station para sa kaukulang dokumentasyon.
Kasalukuyan nang inihahanda ng pulisya ang reklamong Murder na isasampa laban sa suspek sa Parañaque City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.
