Nasawi ang isang 30-anyos na lalaki matapos itong malunod habang lumalangoy sa isang ilog sa Sitio Balante, Brgy. San Jose sa bayang ito, hapon nitong Linggo, May 31.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si alyas “Zoren,” residente ng Sitio Maytigbi, Brgy. San Juan.
Dakong alas-2:26 ng hapon nang madiskubre ng kanyang mga kasama na lulutang-lutang na at wala nang buhay sa ilog ang biktima.
Agad namang rumesponde ang rescue team ng Morong Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at mabilis na isinugod ang biktima sa Rizal Provincial Hospital (RPH) sa Morong.
Subalit, idineklara na itong Dead on Arrival (DOA) bandang alas-3:30 ng hapon ng attending physician na si Dr. Doloroso.
BASAHIN: 17-ANYOS NA SIKLISTA, PATAY SA FORD FIESTA SA ANTIPOLO
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na bago ang insidente, nakipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kasama.
Sa gitna ng masayang inuman, nagpasiya umano itong lumusong at lumangoy sa ilog dahilan upang aksidente itong malunod.
Samantala, nalaman din sa pagsisiyasat na may nakaraan na umanong pagtatangka sa sariling buhay ang biktima bago mangyari ang trahedya.
Patuloy pa ring tinututukan ng Morong MPS ang kaso upang mabatid kung may naganap na foul play o kung purong aksidente talaga ang sinapit ng biktima.
