Biktima tumilapon nang 5 metro; tsuper ng kotse, kalaboso!
Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 17-anyos na estudyanteng siklista matapos itong tumilapon nang limang metro at bawian ng buhay nang masapol ng isang rumaragasang Ford Fiesta habang tumatawid sa madilim na bahagi ng Marcos Highway sa Antipolo City, kagabi.
Kinilala ng mga otoridad ang nasawing biktima na si alyas “Lance”, residente ng Mandaluyong City, na hindi na umabot nang buhay habang nilalapatan ng lunas sa Antipolo Annex IV hospital.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang madugong road crash dakong alas-10:10 ng gabi sa tapat ng isang sikat na subdibisyon sa naturang highway.
BASAHIN: 1 patay, 1 kritikal sa pananaksak ng kainuman sa Rizal
Kuwento ng mga saksi, kasama ng biktima ang dalawa nitong tropa habang lulan ng kani-kanilang bisikleta nang bigla na lang umanong tumawid si Lance sa kalsada.
Sa kasamaang palad, dahil may kadiliman sa lugar, hindi ito agad napansin ng paparating na Ford Fiesta (plakang UOU-271) na minamaneho ni Jayvee Kabigting na humaharurot patungo sa Masinag intersection.
Sa tindi ng salpukan, parang bulang lumipad ng limang metro ang biktima bago bumagsak sa semento habang nayupi naman ang bisikleta nito.
Agad na nirespondehan ng mga rescuer ang duguan at walang malay na biktima pero tuluyan din itong nalagutan ng hininga sa ospital.
Hindi na nakapalag at himas-rehas ngayon sa detention cell ng Antipolo Police ang tsuper ng kotse na si Kabigting.
Nakahanda nang sampahan ang suspek ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.
