Isang lalaki ang nasawi habang isa pa ang kasalukuyang nakikipaglaban para sa kaniyang buhay matapos silang saksakin ng kanilang kainuman sa Riverside, Brgy. Sto. Niño, Linggo ng gabi, Enero 25.
Ayon sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-6:50 ng gabi, ngunit naiulat lamang ito sa kapulisan dakong alas-11:40 na ng gabi.
Base sa paunang imbestigasyon, magkakasamang nag-iinuman ang mga biktima at ang suspek hanggang sa malasing ang mga ito. Sa gitna ng kanilang kuwentuhan, sumiklab ang isang matinding pagtatalo na humantong sa karahasan.
Bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at paulit-ulit na sinaksak sa dibdib ang Victim No. 1. Hindi pa nakuntento, binalingan din nito ang Victim No. 2 at pinagtataga/sinaksak nang ilang beses sa bahagi ng tiyan. Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City. Sa kasamaang palad, idineklara ni Dr. Bataller na dead on arrival ang Victim No. 1 dahil sa mga tinamong sugat sa dibdib. Samantala, ang Victim No. 2 ay nananatili pa rin sa operating room at nasa kritikal na kondisyon.
Ang labi ng nasawing biktima ay nakatakdang ilipat sa Ka Andres Funeral Homes para sa awtopsiya.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng follow-up operations at pagtugis ang San Mateo Police upang madakip ang suspek na nahaharap sa mga kasong Homicide at Frustrated Homicide.
Nanawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek na agad makipag-ugnayan sa kanilang himpilan.
