Isang trahedya ang sumalubong sa isang babaeng pedestrian matapos siyang mabiktima ng isang hit-and-run sa kahabaan ng Casimiro A. Ynares Sr. Blvd., tapat ng Kingstore sa Brgy. San Andres, Linggo ng gabi, Enero 25, 2026.
Kinilala ang biktimang nasawi na si Rizel, na idineklarang dead on arrival sa One Cainta Hospital ni Dr. Jordan T. Garcia dakong alas-7:55 ng gabi.
Base sa paunang imbestigasyon ng Cainta Municipal Police Station, naglalakad pauwi ang biktima galing Riverside at tumatawid sa tamang pedestrian lane nang maganap ang insidente dakong alas-7:40 ng gabi.
Tumigil muna ang biktima sa center island na naghahati sa kalsada, ngunit bigla siyang nahagip ng isang hindi pa matukoy na Sedan na mabilis na bumabaybay mula Pasig patungong Taytay.
Dahil sa lakas ng impact, tumalsik ang biktima sa westbound lane at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Sa halip na huminto para tumulong, mabilis na humarurot ang suspek na sasakyan patungong silangan (eastbound).
Bagama’t naganap ang aksidente ng alas-7:40 ng gabi, pormal itong naisangguni sa himpilan ng pulisya ni Ruel dakong alas-10:45 na ng gabi.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing back-tracking sa mga CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan ng krimen ang Cainta Police.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa mga posibleng saksi upang matukoy ang plaka ng sasakyan at pagkakakilanlan ng driver na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Nanawagan ang mga awtoridad sa driver ng nasabing Sedan na sumuko na at harapin ang kaukulang pananagutan sa batas.
