Malawakang balasahan ang sumapol sa liderato ng Philippine National Police (PNP) matapos ilipat sa puwesto si Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Aden Lagradante.
Pero ang mas naging maugong na balita, ang papalit sa kanya ay walang iba kundi si P/BGen. Melecio Maddatu Buslig Jr., ang kontrobersiyal na dating hepe ng Quezon City Police District (QCPD) na sinibak sa puwesto noong nakaraang taon.
Matatandaan na noong April 21, 2025, pinatalsik sa pwesto si Buslig sa utos ni noo’y NCRPO Director Maj. Gen. Anthony Aberin dahil sa “command responsibility” at delayed reporting.
Sumabog kasi noon sa social media ang viral video ng isang lasing na pulis-QC sergeant na nanggulo, pumasok sa bahay ng isang residente sa Brgy. Damayan, at nanakit pa umano ng menor de edad.
Dahil hindi agad ito iniulat ni Buslig sa NCRPO at nalaman lang ng hepe sa station commander, binuweltahan siya ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil at sinabing walang puwang sa hanay ang mga opisyal na natutulog sa pansitan kapag nagloko ang kanilang mga tauhan.
BASAHIN: 17-ANYOS NA SIKLISTA, PATAY SA FORD FIESTA SA ANTIPOLO
Ngayong Hunyo 2026, matapos ang higit isang taon mula sa naturang iskandalo, opisyal nang magbabalik-bentahe si Buslig para magmando sa seguridad ng Eastern Metro Manila (Pasig, Mandaluyong, Marikina, at San Juan).
Todo-suporta naman at malaki ang tiwala ng buong puwersa ng EPD sa bagsik at lawak ng karanasan ng kanilang bagong hepe.
Kampante ang mga tauhan na itutuloy niya ang krusada para sa kapayapaan habang sinisigurong tapat at walang katiwalian sa kanyang nasasakupan.
Samantala, hindi naman luhaan ang sinibak na si PBGEN. Aden T. Lagradante dahil “upgraded” ang bagsakan nito.
Pormal na siyang pinangalanan bilang bagong Director at Officer-in-Charge (OIC) ng Civil Security Group (CSG) sa Camp Crame.
Malaki ang inaasahan sa pag-upo ni Lagradante sa CSG—ang yunit na humahawak sa pagrerehistro ng mga baril, eksplosibo, at pagmamanman sa mga pribadong ahensya ng seguridad sa buong Pilipinas.
Dahil kilalang beterano sa policy formulation at security management, tiwala ang PNP na magdadala siya ng matinding disiplina at pagbabago sa pagpapatupad ng batas para sa kapayapaan at seguridad ng bansa.
