SP CAYETANO RESIGN – MINORITY BLOC (Hindi kayang kumilos bilang lider ng Senado)

Pormal nang nakiusap ang minority bloc sa Senado nitong Martes, Hunyo 2, kay Senate President Alan Peter Cayetano na magbitiw na sa kanyang pwesto. Ito ay matapos magkaroon ng dalawang sunod-sunod na araw na kawalan ng korum dahil sa hindi pagsipot ng mga senador mula sa majority bloc sa plenaryo.
Sa isang pahayag na binasa ni Senador Erwin Tulfo sa isang panayam sa media sa mismong session hall, tahasang sinabi ng grupo na hindi na nagagampanan ni Cayetano ang kanyang tungkulin bilang pinuno ng Mataas na Kapulungan.
“Dapat nang magbitiw si Senate President Alan Peter Cayetano dahil ipinakita niya na hindi niya kayang kumilos bilang lider ng Senado. Ang nangyari ngayon ay isang malinaw na pagtalikod sa responsibilidad, pagpapabaya sa tungkulin, at lantarang pagwawalang-bahala sa mga tuntunin ng institusyong ito,” anang minority bloc.
Ayon sa minority bloc na pinamumunuan ni Senator Tito Sotto, binalasubas ni Cayetano ang Rule XIV, Section 41 ng Rules of the Senate. Sa ilalim ng panuntunang ito, maaari lamang ipagpaliban ng Senate President ang sesyon kung dadaan ito sa konsultasyon sa Majority Leader at Minority Leader—isang hakbang na hindi umano ginawa.
Dahil sa kawalan ng korum, hindi nagalaw at nananatiling nakabitin ang mga importanteng panukalang batas, kabilang ang Anti-Hospital Detention Bill na isinusulong ni Senator Risa Hontiveros.
Nagpahayag naman si Senator Kiko Pangilinan na gagawin ng minorya ang lahat ng legal na paraan upang maayos ang kasalukuyang lamat sa operasyon ng Senado.
Nanawagan din si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga kapwa mambabatas sa nakararaming bloke na pumasok na sa darating na Miyerkules, Hunyo 3, lalo pa’t nakatakdang mag-adjourn sine die ang Kongreso sa darating na Hunyo 6 at marami pang trabaho ang dapat tapusin.
Sa halip na pamunuan ang nakatakdang sesyon nitong alas-3:00 ng hapon, nag-live stream si Cayetano sa kanyang Facebook page bandang alas-3:19 ng hapon. Dito niya idineklara na ang hindi pagpasok ng majority bloc ay isang anyo ng “protesta laban sa isang puppet Senate.”
BASAHIN: KAREN DAVILA, SINUPALPAL ANG MGA IYAKING SENADOR: ‘IYAKAN N’YO NINANAKAWANG PILIPINO’
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naging insidente noong Lunes, Hunyo 1, kung saan sinubukan ni Cayetano na pigilan ang mga awtoridad sa paghahain ng warrant of arrest laban kay Senador Jinggoy Estrada para sa kasong plunder at graft kaugnay ng katiwalian sa mga flood-control projects. Katwiran ni Cayetano, ginagawa nila ito upang protektahan ang “independensya ng Senado.”
Agad naman itong pinabulaanan ni Senador Pangilinan. “Impunity (kawalan ng parusa) ito, hindi ito Senate independence,” giit niya. Isang senador naman mula sa minorya ang nagbiro hinggil sa pag-live sa internet ng opisyal: “Imbis na pumasok siya, sa FB siya pumasok.”
Inamin din ni Cayetano na ang kanilang hindi pagdalo ay upang mapanatili ang hawak nilang chairmanship sa iba’t ibang komite, partikular na ang Blue Ribbon Committee na kasalukuyang nag-iimbestiga sa flood control scam.
Sa kasalukuyan, tanging ang 11 miyembro ng minority bloc ang pisikal na naroroon sa session hall. Dahil nakakulong na si Senator Jinggoy Estrada at kasalukuyang nagtatago si Senator Bato dela Rosa, nabawasan ang pwersa ng mayorya.
Nagbunga ito ng patas na sitwasyon na 11-11 sa pagitan ng magkabilang panig, kaya’t hindi makabuo ng korum o ng kinakailangang 13 mambabatas para makapagpatuloy sa opisyal na gawain at pagpasa ng mga batas ang Senado.
