Inoobserbahan at inaalam pa ng Rodriguez Municipal Police Station ang pagkakakilanlan ng may-ari ng isang puting Mitsubishi L300 van matapos itong tangayin ng malakas na agos ng baha at mahulog sa creek sa Double L Road, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal noong Sabado ng gabi, Agosto 29.
Ayon sa ulat ng Sector 3 ng Rodriguez MPS, kumalat sa social media ang isang viral video na nagpapakita sa nakaparadang van habang tinatangay ng baha sa gitna ng matinding buhos ng ulang dulot ng habagat.
Agad na nagkasa ng beripikasyon ang mga respondenteng pulis at kinumpirmang walang tao sa loob ng sasakyan nang mangyari ang insidente. Dahil dito, walang naitalang nasaktan o nasawi sa kaganapan.
Nananatili pa rin sa loob ng sapa ang nasabing L300 van na nagtamo ng hindi pa matukoy na pinsala at hindi pa nahahakot palabas.
Hinihintay pa ng mga awtoridad ang paglutang ng rehistradong may-ari o drayber ng sasakyan upang makapagsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa opisyal na imbestigasyon.
