Isang 61-anyos na lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa beranda ng kanyang tahanan sa Kasiglahan Village, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal nitong Linggo ng umaga, Agosto 30, matapos ang pagbaha na dulot ng habagat.
Kinilala ng Rodriguez Municipal Police Station ang biktima sa alyas na “Ferdinand,” walang trabaho at residente ng Block 5, Lot 100, Phase 1K1 sa naturang barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan ang bangkay ng biktima bandang 7:50 ng umaga habang naglilinis ng kani-kanilang bahay ang mga kapitbahay kasunod ng pananalasa ng masamang panahon.
Napansin ng mga kapitbahay ang biktima na nakahiga sa sahig ng kanyang terrace at hindi gumagalaw. Nang lapitan at suriin, nakitang nakatihaya na ito at wala nang buhay.
Agad na nag-responde ang duty investigator ng Tactical Operation Center (TOC) upang mag-siyasat sa lugar matapos matanggap ang ulat bandang 10:50 ng umaga.
