LUMABAS sa imbestigasyon ng Rappler na ang kompanyang pag-aari ng tiyuhin ni Senator Mark Villar na si Christian Aguilar, kapatid ni dating Senador Cynthia Villar, ay nakakuha ng mahigit P390 milyon halaga ng mga proyekto sa flood control sa rehiyon ng Calabarzon.
Ayon sa ulat, ang kompanyang Motiontrade Development Corporation ni Aguilar ay nakakuha ng apat na proyekto na nagkakahalaga ng P390,996,883.43, tatlo rito ay kontrata noong 2023 at isa naman noong 2024.
Bagaman matagal nang itinatag ang Motiontrade (noong 1993), nagsimula lang itong makakuha ng mga kontratang pang-gobyerno noong 2023, ilang taon matapos bumaba si Mark Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong 2021.
Mula 2023 hanggang 2025, nakasungkit umano ang Motiontrade ng 32 proyekto sa DPWH na umaabot sa kabuuang P2.8 bilyon, kung saan pinakamalaki ang taon ng 2024 na umabot sa P1.56 bilyon.
Ayon kay Carlo Aguilar, anak ni Christian at opisyal ng kompanya, joint venture lang umano ang kanilang partisipasyon at hindi lalagpas sa 50%.
Giit niya, lahat ng proyekto ay nasa Cavite at Quezon at walang reklamo ng substandard o sira.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Sen. Mark Villar na wala siyang direktang o di-tuwirang interes sa alinmang kumpanyang nakikilahok sa mga proyekto ng DPWH.
“I have nothing to hide,” ayon sa senador, na sinabing handa siyang sa anumang imbestigasyon.
Ang pamilya Aguilar ay isa sa mga matagal nang political dynasty sa Las Piñas City, na nagsimula pa kay Dr. Filemon Aguilar, dating alkalde at kongresista.
Si Cynthia Villar at ang yumaong Mayor Vergel “Nene” Aguilar ay parehong naglingkod sa lokal na pamahalaan, habang si Christian naman ay nagtayo ng negosyo.
Ang Motiontrade ay may “A” license mula sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), dahilan para payagan sila na humawak ng proyektong nagkakahalaga ng hanggang P300 milyon.
Kasama sa board ng kompanya ang mga anak ni Christian na sina Carlo at Lord Linley Aguilar, na kapwa nagsilbing konsehal ng Las Piñas. Habang ang mga asawa nila ay mga director at stockholder din ng kumpanya.
Kinumpirma ni Ombudsman Boying Remulla na iniimbestigahan ngayon ang pamilya Villar dahil sa umano’y kaugnayan nila sa Motiontrade at mga proyekto ng DPWH.
“May interes na pinagbabawal dahil kamag-anak niya (Mark) ang kontratista sa Las Piñas,” ani Remulla.
Depensa naman ni Carlo, “Hindi kailanman ginamit ng aming kompanya ang impluwensiya ng politika. Magkaiba ang aming negosyo at serbisyo publiko.”
Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na pahayag mula sa kampo nina Senador Mark at Camille Villar, gayundin kay dating Senador Cynthia Villar. (LIMUEL TOLENTINO)
