Opisyal nang kinumpirma ng aktor na si Paulo Avelino na siya ang nagbigay ng dambuhalang bouquet ng peonies kay Kim Chiu noong nakaraang Valentine’s Day.
Ang pag-aming ito ay naganap sa gitna ng media interview para sa kanilang mga susunod na proyekto, matapos mag-viral ang post ni Kim sa Instagram kung saan idinaan niya sa biro ang pasasalamat sa tinanggap na bulaklak.
Sa nasabing post, nilagyan ni Kim ang kanyang larawan ng caption na, “Babae pala ako,” na agad kinalugdan ng mga netizens. Ayon sa aktres, naging emosyonal siya dahil sa dami ng mga taong nakikita niyang may hawak na bulaklak noong araw na iyon habang siya ay galing sa trabaho sa It’s Showtime.
“Siyempre nadadaanan ko lang… ang daming naglalakad may hawak na flowers. Pag-uwi ko ng bahay, hala may flowers din pala ako, girl din pala ako,” paliwanag ni Kim.
Nang matanong tungkol dito, maikling tugon ni Paulo habang nakangiti: “Masaya ako na masaya ka!”
Ang rebelasyong ito ay kasabay ng promosyon para sa kanilang seryeng The Alibi, na nakatakdang mag-premiere sa free TV ngayong Marso matapos ang tagumpay nito sa Prime Video.
Ang proyektong ito ang ika-apat na kolaborasyon ng tambalang “KimPau” kasunod ng Linlang, What’s Wrong With Secretary Kim?, at ang kanilang blockbuster film na My Love Will Make You Disappear.
Ayon kay Paulo, ang free TV version ng serye ay magtatampok ng mga extended scenes at subplots na hindi ipinakita sa orihinal na release. Gaganap si Kim bilang Stella, isang club star dancer, habang si Paulo naman ay gaganap bilang Vincent, isang journalist.
Pinuri rin ng mga co-stars ang dedikasyon ng dalawa sa trabaho. Ibinahagi ni Sofia Andres ang kanyang karanasan sa pag-shoot ng isang matinding eksena sa Temple of Leah sa Cebu, kung saan hinangaan niya ang pagiging “down to earth” at supportive ni Kim. Samantala, pinasalamatan naman ng baguhang aktor na si Robbie Jaworski si Paulo sa paggabay at pagbabahagi ng “wisdom” sa kanyang mga unang eksena sa industriya.
Lilipad naman ang KimPau para sa kanilang World Tour sa Abril at Mayo, kung saan inaasahang magdedeklara ng state of emergency sa California, Edmonton, at Toronto dahil sa banta ng “extreme kilig levels” na maaaring magdulot ng paghina ng tuhod ng mga kababayan natin doon. Hehehe…
Sa ngayon, nananatiling payapa ang bansa habang hinihintay ang susunod na update kung peonies pa rin ba o isang buong hardin na ang susunod na ipapadala ni Paulo para lamang mapanatili ang gender identity ni Kim.
