May 16, 2024

KIDNAPPER ARESTADO NG PNP-AKG

ARESTADO sa isinagawang operasyon ng mga elemento ng Philippine National Police – Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isa pang suspek sa pagdukot sa isang Indian national nitong Lunes ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni PNP-AKG Director Police Brig. Gen. Jonnel C. Estomo ang suspek na si Vergel Miranda Tagupa.

Nadakip si Tagupa base sa warrant of arrest na walang inirekomendang piyansa sa kahabaan ng Roxas Boulevard, Pasay City dakong alas-9:00 ng gabi.

Nagtago ang suspek matapos lumabas ang kanyang warrant of arrest na inilabas ni Judge Tomas Ken. D Romaquin, Jr. ng RTC Branch 25 sa Biñan City, Laguna.

Sangkot ang suspek sa pagdukot kay Anial Kumar Sohal, 29, noong Agosto 13, 2017 sa Biñan City, Laguna. Pinalaya ang biktima noong Agosto 16, 2017 matapos magbayad ng ransom na P935,000 sa kahabaan ng NAIA Terminal 1, Pasay City.

Bago si Tagupa, una nang naaresto ng pulisya si Arnold Gastador Vargas noong Pebrero 5, 2021.

Sa nangyaring tactical interrogation, ibinunyag ni Vargas ang pinagtataguan ni Tagupa, ang kanyang kasabwat.