Aminado ang rising gymnastics star na si Karl Eldrew Yulo na kahit kapatid niya ang double Olympic gold medalist na si Carlos Yulo, magkaiba sila ng istilo at diskarte sa laro.
“Di ko po alam kung ano yung ico-copy ko kay kuya. Different species po kami,” biro ni Eldrew sa PSA Forum nitong Martes, kasama ang Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president na si Cynthia Carrion.
“Siguro po ang ma-duplicate ko lang ay ‘yung last name. We have different styles, we have different forms,” dagdag pa ng 17-anyos na atleta.
Bagamat magkaiba sila ng approach, sinabi ni Eldrew na inspirasyon niya ang kanyang kuya, lalo na pagdating sa sipag at dedikasyon sa ensayo.
“Hindi ko po siya [tinuturing] na parang rival. Ang gusto ko lang po ay ma-achieve ko ‘yun [nagawa niya]. Ginagawa ko po siyang motivation para magawa ko kung ano ‘yung nararapat,” ani Eldrew.
Nakatakdang sumabak si Eldrew sa World Junior Artistic Gymnastics Championships sa Nobyembre na gaganapin sa Marriott Hotel, Pasay City. Ito na rin ang kanyang huling taon sa junior division bago sumabak sa senior level, kung saan target niyang makasama ang kanyang kuya sa 2028 Los Angeles Olympics.
Magti-training si Eldrew sa Japan kasama si Coach Munehiro “Muneh” Kugimiya, na dati ring nagturo kay Carlos Yulo.
“Araw-araw po namin lilinisin ang routine ko. Gagawa rin kami ng mga bagong skills,” sabi ng batang Yulo.
Samantala, binigyang-diin ni Carrion na naniniwala siya sa potensyal ni Eldrew pero ayaw niyang bigyan ito ng mabigat na pressure.
“Even if you get silver, that’s good enough, Eldrew,” ani Carrion, na nagpahayag ng buong suporta sa batang atleta.
Matatandaang si Eldrew ay nagwagi ng silver medal sa vault finals ng Asian Championships at sasabak ngayon sa lahat ng events sa darating na Junior World Championships. (RON TOLENTINO)
