
Dinagsa ng libo-libong Kapamilya fans ang “Bida Kapamilya” event ng ABS-CBN sa Cavite noong Hunyo 8, bilang bahagi ng pasasalamat ng network sa patuloy na suporta ng publiko. Tampok sa masayang selebrasyon ang cast ng inaabangang crime thriller mystery drama na “Sins of the Father.”
Sinimulan ang programa sa General Trias City Hall Plaza kung saan naghandog ng libreng serbisyo at treat ang ABS-CBN para sa mga Caviteño. Kasunod nito, nagsagawa ng motorcade sa downtown area ang cast ng “Sins of the Father” na sina Jessy Mendiola, JC De Vera, RK Bagatsing, Francine Diaz, JV Kapunan, LA Santos, Elyson De Dios, at Gerald Anderson—na nagbigay ng kasiyahan at kilig sa mga tagahanga.
Nagtuloy ang kasiyahan sa Robinson’s Place General Trias Activity Center, kung saan nagpakitang-gilas muli ang mga bida ng “Sins of the Father” kasama si Seth Fedelin na lalong nagpasigla sa audience.
Pinasabog rin ng “TNT All-Star Grand Resbak” champion Marko Rudio ang entablado sa kanyang performance ng “Pag-asa Kada Bukas,” ang official soundtrack ng “Sins of the Father.” Sinundan ito ng mga awitin mula sa ASAP singing champs Khimo Gumatay at Reiven Umali.
Pinakilig din ang crowd ng P-pop boy band 1621 na inawit ang kanilang mga hit na “Maria” at ang viral dance craze na “Bababa.”
Nagpakitang-gilas din ang cast ng nalalapit na ABS-CBN digital movie na “The Four Bad Boys and Me” na sina Anji Salvacion, Harvey Bautista, Dustine Mayores, AC Bonifacio, Analain Salvador, Krystal Brimner, at Gela Alonte.
Pinangunahan nina DJ JhaiHo, Eris Aragoza, Aiyana Perlas, at Eva Ronda ang hosting ng masaya at makulay na pagtitipon.
Samantala, inaabangan na rin ang susunod na mga leg ng “Bida Kapamilya” sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang personal na pasalamatan ng ABS-CBN ang mga fans sa kanilang patuloy na suporta.
Mapapanood ang “Sins of the Father” simula Hunyo 23 (Lunes) sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWant, at TFC, habang ang “Four Bad Boys and Me” naman ay mapapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
