
Mariing itinanggi ng Malacañang ang isang kumakalat na pekeng police report na umano’y nag-uugnay kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkamatay ng negosyanteng si Paolo Tantoco, tagapagmana ng Rustan’s Commercial Corporation.
Sa isang press briefing noong Hulyo 15, sinabi ni Palace spokesperson Atty. Claire Castro na walang katotohanan ang naturang report na ipinost sa Facebook.
“Ang sinasabing police report na naipost sa Facebook ay isang malaking kasinungalingan,” pahayag ni Castro.
Lumabas ang isyu matapos ilabas ng Los Angeles County Department of Medical Examiner ang opisyal na ulat na ang pagkamatay ni Tantoco ay bunsod ng “cocaine effects” na pinalala ng “probable atherosclerotic cardiovascular disease” sa case no. 2025-04377.
Isang hiwalay na umano’y police report naman ang kumalat sa social media, kung saan sinasabing dinala ng mga pulis si Tantoco sa Beverly Hilton Hotel noong Marso 8 habang binibigyan siya ng chest compressions ng hotel security. Ayon sa nasabing report, natagpuan daw ang mga “puting pulbos” na pinaghihinalaang cocaine sa mesa at sahig ng hotel room.
Nakasaad din sa pekeng ulat na kasama raw nina Tantoco sina First Lady Liza Araneta-Marcos, aktres Alexa Miro, at Malacañang Deputy Social Secretary Dina Arroyo-Tantoco noong gabing iyon—bagay na itinanggi ng Malacañang.
“Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa Beverly Hills Police Department para malaman ninyo na ‘yung nilagay sa Facebook na may guhit na color pink ay dinagdag lamang,” giit ni Castro.
Dagdag pa ni Castro, bahagi lang ito ng mga “obstructionist” na nais siraan ang First Lady, ang Pangulo, at ang administrasyon para sa pansariling interes.
Binanggit din ni Castro na walang kinalaman si Araneta-Marcos sa pagkamatay ni Tantoco at hindi sila nagkasama sa hotel kung saan ito namatay. Taliwas ito sa ulat ng Hollywood LA News na nagsabing kasama raw ni Araneta-Marcos si Tantoco sa Manila International Film Festival sa Hollywood mula Marso 4 hanggang 7.
Bilang patunay, ipinakita ng Malacañang sa media ang litrato ng First Lady kasama si Tourism Secretary Christina Frasco sa Konsyerto Para sa Pilipino event noong Marso 8, kung kailan namatay si Tantoco.
“Nakakalungkot at kapwa Pilipino ang kanilang niloloko para sa personal na interes,” dagdag pa ni Castro.
Noong Hulyo 14, nanawagan si Senadora Imee Marcos sa Malacañang na maglabas ng komprehensibong ulat ukol sa pagkamatay ni Tantoco, kabilang na ang paglilinaw kung may kinalaman o wala ang Unang Ginang o ibang opisyal ng pamahalaan.
Nang tanungin ukol dito, sinabi ni Castro: “Nakakalungkot dahil ‘yung mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa.”
Ayon sa Malacañang, pinag-aaralan na rin nila ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
“Mukhang napapanahon po,” ani Castro.
Kinumpirma ni Donnie Tantoco, presidente ng Rustan’s, ang pagkamatay ng kanyang kapatid na si Paolo noong Marso 9, ngunit hindi pa noon isiniwalat ang sanhi ng kamatayan.
