Naghain ng mosyon ang Department of Justice (DOJ) nitong Hulyo 14 upang hilingin sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na baligtarin ang naging desisyon nito na nag-abswelto kay dating Senadora Leila de Lima at sa kanyang dating aide na si Ronnie Dayan sa kasong may kaugnayan sa illegal drug trade.
Sa inihaing motion for reconsideration, nanawagan ang mga piskal ng DOJ sa Muntinlupa RTC Branch 204 na muling pag-aralan at baligtarin ang desisyong inilabas noong Hunyo 27, 2025, kung saan pinawalang-sala sina De Lima at Dayan dahil sa kakulangan ng ebidensiya o “reasonable doubt.”
Giit ng DOJ, dapat umanong repasuhin ng korte ang naging hatol at ipataw ang guilty verdict sa mga akusado.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y pagkakasangkot ni De Lima sa kalakalan ng ilegal na droga noong siya ay kalihim pa ng Department of Justice. Ang pag-abswelto sa kanya noong nakaraang buwan ay itinuring na malaking tagumpay para sa kampo ng oposisyon, lalo’t matagal nang iginigiit ni De Lima na gawa-gawa at politically motivated ang mga kaso laban sa kanya.
Sa kasalukuyan, si De Lima ay nagsisilbi bilang miyembro ng House of Representatives. Wala pa siyang inilalabas na pahayag hinggil sa pinakabagong hakbang ng DOJ.
