Matapos ang magkasunod na bawas-singil sa kuryente na umabot ng P0.8575 kada kWh nitong nakaraang dalawang buwan, inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw ang P0.4883 kada kWh na pagtaas sa singil kaya nasa P12.6435 kada kWh ang kabuuang rate ngayong Hulyo para sa isang pangkaraniwang pamilya.
Para sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas ito ng P98 na dagdag sa kanilang kabuuang bill.
Mas mataas generation charge
Pangunahing sanhi ng kabuuang dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan ang generation charge, na nagtala ng P0.3407 kada kWh na pagtaas.
Tumaas ang singil mula sa mga Power Supply Agreement (PSA) ng P0.4476 kada kWh habang nadagdagan naman ng P0.4992 kada kWh ang singil mula sa mga Independent Power Producer (IPP) dahil sa mas mataas na presyo ng fuel na bunsod ng labanan sa pagitan ng Iran at Israel. Nakaapekto rin ang paghina ng Piso sa pinakamababang antas nito mula noong Marso 2025 dahil nasa 58% ng mga gastos sa PSA at 99% ng gastos sa IPP ay dollar-denominated.
Bahagya namang napagaan ng P0.1703 kada kWh na tapyas sa singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang pagtaas ng generation charge. Dahil naman ito sa mas mabuting supply situation sa Luzon grid noong Hunyo matapos bumaba ng higit pa sa 770 MW ang average demand.
Pinunan ng mga PSA, mga IPP, at WESM ang 56%, 28%, at 16% ng kabuuang kinakailangang supply ng kuryente ng Meralco.
Transmission at iba pang singil
Nakadagdag din sa kabuuang pagtaas ng singil sa kuryente ang transmission charge na tumaas nang P0.0734 kada kWh ngayong Hulyo dahil sa mas mataas na singil mula sa Reserve Market.
Nagtala rin ng pangkalahatang dagdag na P0.0742 kada kWh ang iba pang singil kabilang na ang buwis.
Ang mga pass-through charge na generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator; habang ang buwis, universal charges, at ang FIT-All ay inire-remit naman sa gobyerno.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Patuloy pa rin namang nakikinabang ang mga customer sa pagpapatupad ng distribution-related true-up adjustment, na katumbas ng bawas na P0.2024 kada kWh para sa mga residential customer.
Meralco nagpaalala sa ligtas na paggamit ng kuryente
Muling pinaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na patuloy na maging maingat sa paggamit ng kuryente ngayong tag-ulan lalo na at mas mataas ang posibilidad ng pagbaha.
Kung mayroong pagbaha, dapat patayin ang main switch o circuit breaker ng kuryente at tiyaking tuyo ang mga kamay bago hawakan ang anumang appliance o pasilidad ng kuryente. Dapat din panatilihing tuyo ang lahat ng kable, konektor, at iba pang electrical wiring. Kung nabasa o nabaha ang mga saksakan o mga de-kuryenteng kagamitan, mas mabuting ipasuri muna ito sa isang lisensyadong electrician bago gamitin.
Pinayuhan din ng Meralco ang mga customer na panatilihing bukas at handa ang lahat ng linya ng komunikasyon, at tiyaking naka-charge ang mga cellphone, laptop, radyo, at iba pang mga communication gadget.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng
My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211. #
