Magbabalik ngayong Nobyembre ang isa sa pinakamatandang festival ng Clark Freeport Zone, ang Happening on the Green (The HOG), na dati nang naging simbolo ng kasayahan at pagkakaisa sa dating Clark Air Base.
Opisyal na inilunsad ng Clark Development Corporation (CDC) ang kampanya para buhayin muli ang The HOG sa isang press event noong Hulyo 11 sa Clark Visitors Center. Pinangunahan ito ni CDC President at CEO Agnes VST. Devanadera, kasama ang mga opisyal at stakeholders mula sa rehiyon.
Muling ibinabalik ng CDC ang festival bilang bahagi ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa kasaysayan ng Clark, na ayon sa Britannica.com ay minsang naging pinakamalaking US military installation sa labas ng Amerika.
Unang isinagawa ang The HOG noong huling bahagi ng 1960s hanggang 1990s, bilang inisyatiba ng Morale, Welfare, and Recreation (MWR) Division ng U.S. Air Force. Layunin nitong bigyan ng kasiyahan ang mga sundalo at kanilang pamilya sa pamamagitan ng musika, pagkain, palaro, at iba pang community activities na ginaganap sa Parade Grounds ng Clark.
Ngayong 2025, muling isasagawa ang The HOG, kasunod ng Oktubre 23 Christmas lighting ceremony, bilang bahagi ng mas pinalawak na tourism at cultural programs ng CDC.
Magiging tampok sa pagbabalik ng The HOG ang iba’t ibang aktibidad na magtatagpo sa American fair traditions at Filipino fiesta spirit gaya ng Picnic Park Zones, Gastronomic Lane o food fair, Veterans’ Memory Wall, Cultural Courtyard, Car Show, Hotdog Eating Contest, Battle of the Bands at Fireworks Display.
Nagpakita rin ng suporta sa paglulunsad ang ilang key personalities gaya nina Department of Tourism Region III Director Richard Daenos, Porac Vice Mayor Trisha Angelie “Jen” Capil, at mga tourism officers mula sa Metro Clark area. Nariyan din si Post Commander Janet Alford ng Veterans of Foreign Wars (VFW) Post 2485.
Ayon kay CDC President Devanadera, mahalaga ang pagbabalik ng The HOG bilang bahagi ng pagkilala sa kasaysayan at pagpapalakas ng turismo sa Clark Freeport Zone.
“Hindi lamang ito selebrasyon, kundi pagkakataon para muling pagsamahin ang komunidad at magbigay pugay sa kasaysayan ng Clark,” ani Devanadera.
Habang patuloy na umuunlad ang Clark Freeport bilang sentro ng negosyo at turismo, ang pagbabalik ng The HOG ay simbolo ng pagpapatuloy ng kultura, kasaysayan, at pagkakaisa ng komunidad.
