Isinusulong ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF), ang mahahalagang reporma upang pabilisin ang pag-access ng mga developing countries sa climate finance sa 42nd Board Meeting ng Green Climate Fund (GCF) na ginanap noong Hunyo 30 hanggang Hulyo 3, 2025.
Kabilang sa mga pangunahing repormang inaprubahan ng GCF ay ang Revised Accreditation Framework at ang pagtatatag ng GCF Regional Presence.
Sa ilalim ng Revised Accreditation Framework, mas pinasimple at mas responsive na ang proseso para sa mga institusyong nais makipag-partner sa GCF. Layunin nitong pabilisin ang pag-apruba ng mga proyekto at mas mapadali ang paglabas ng pondo para sa mga climate action initiatives sa mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas.
Samantala, ang pagtatatag ng GCF Regional Presence ay magbibigay daan para mas maunawaan ng GCF ang partikular na pangangailangan ng bawat rehiyon at mas mapabilis ang pagtugon sa mga ito. Pinatitibay din nito ang mga partnership upang masigurong direktang makarating sa mga nangangailangan ang climate finance.
Bukod sa mga reporma, inaprubahan din ng GCF Board ang pondong USD 1.225 bilyon para sa 17 proyekto—ang pinakamalaking halaga ng climate finance na naaprubahan sa isang pulong ng GCF. Ang pondo ay ilalaan sa iba’t ibang proyekto para sa climate adaptation at mitigation sa buong mundo.
Sa sidelines ng pulong, isinusulong din ng DOF ang agarang pag-apruba ng ikatlong bahagi ng Readiness and Preparatory Support Program (RPSP3) ng Pilipinas. Layunin nitong palakasin ang kapasidad ng bansa sa pag-access at paggamit ng pondo para sa climate action.
Ang unang bahagi ng panukala ay nagkakahalaga ng hanggang USD 7 milyon, na nakatutok sa pagpapalakas ng DOF bilang National Designated Authority (NDA) ng Pilipinas sa GCF. Kasama rito ang pagbuo ng mga long-term strategic instruments na susuporta sa National Adaptation Plan at Nationally Determined Contributions Implementation Plan.
Ang ikalawang bahagi ng panukala, na isusumite matapos maaprubahan ang una, ay inaasahang aabot sa USD 3 milyon. Layunin nitong ipatupad at i-operationalize ang mga estratehiya at sistemang mabubuo sa unang panukala.
Magkasama, ang dalawang panukala ay magbibigay ng programmatic at sequenced approach sa pagpapalakas ng climate finance readiness ng Pilipinas.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOF sa GCF upang itulak ang mga priority pipeline projects ng Pilipinas at pag-usapan ang mga posibleng paraan upang mas mapabilis ang access ng bansa sa climate financing.
Bilang Alternate Board Member ng GCF para sa Asia-Pacific Group, aktibong nakikibahagi ang Pilipinas sa pagbabalangkas ng mga polisiya ng GCF upang masigurong ang climate finance ay nakaugat sa pangangailangan ng mga developing nations.
Si DOF Director John Narag ang kumatawan kay Undersecretary Maria Luwalhati Dorotan Tiuseco bilang GCF Alternate Board Member sa nasabing pagpupulong.
