Sinusubukan ngayon ng beteranong center na si Justin Chua na muling makabalik sa lineup ng TNT Tropang Giga matapos sumama sa apat na araw na training camp ng koponan sa Inspire Sports Academy na nagtapos nitong Sabado bilang paghahanda sa pagdepensa ng kanilang korona sa PBA Commissioner’s Cup.
Kinumpirma ni Team Manager Jojo Lastimosa na kasalukuyang nag-try out ang 36-anyos na unrestricted free agent upang makakuha ng puwesto sa koponan. Gayunpaman, binigyang-diin ng PBA legend na walang garantiya ang kapalaran ni Chua dahil punuan ang frontline ng TNT sa presensya nina Poy Erram, Kelly Williams, Henry Galinato, Brandon Ganuelas-Rosser, at ang higanteng import na si Bol Bol.
Kung papalarin, ito ang magiging ikatlong pagkakataon na maglalaro ang Ateneo standout para sa TNT matapos ang kanyang mga stint noong 2017 at 2023. Matatandaang nagwagi ng kampeonato si Chua sa TNT noong 2023 Governors’ Cup, ngunit sa kasamaang-palad ay nagtamo siya ng ACL injury sa unang laro pa lamang ng serye laban sa Ginebra.
Matapos ang kanyang recovery, na-trade si Chua sa Blackwater kung saan siya naglaro ng dalawang season bago tuluyang mapaso ang kanyang kontrata.
Sa kabila ng pagiging free agent, naging bahagi pa siya ng Gilas Pilipinas sa ilalim ni coach Norman Black na nag-uwi ng gintong medalya sa 33rd Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand noong nakaraang taon.
Si Chua, na naging first round pick noong 2013, ay nakapaglaro na sa iba’t ibang koponan tulad ng San Miguel, Meralco, at NLEX.
Ngunit sa Phoenix Fuel Masters niya naitala ang pinakamagandang bahagi ng kanyang karera noong 2020 kung saan siya ay kinilala bilang Defensive Player of the Year. (RON TOLENTINO)
