Pormal nang nanumpa ngayong Miyerkules, Hulyo 22, 2026, si dating Albay Representative Joey Salceda bilang bagong pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) sa harap ni Executive Secretary Ralph Recto sa Malacañang.
Hahawakan ni Salceda ang ranggong Cabinet Secretary bilang pangunahing tagapamagitan sa pagitan ng Palasyo at ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang mapabilis ang pagpasa sa mga sertipikadong panukalang batas ng administrasyon bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagkakatalaga kay Salceda ay nagmarka sa kaniyang pagbabalik sa Ehekutibo matapos ang halos dalawang dekada, kung saan huli siyang naglingkod bilang Presidential Chief of Staff noong 2007 sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
BASAHIN: Joey Salceda pasok sa Cabinet ni PBBM
Sa kaniyang pahayag, sinabi ng veteran economist na layunin niyang “i-reform at i-transform” ang PLLO upang maging isang ganap na policy office at magsilbing tulay sa pagitan ng gobyerno, private sector, at academe upang masulit ang natitirang dalawang taon ng termino ng Pangulo.
Gayunman, naging usap-usapan din sa mga kritiko ang pagtatalaga sa kaniya dahil wala pang inilalabas na bagong Executive Order si PBBM upang pormal na baguhin ang probisyon ng EO 90 noong Mayo 2025, na naglalagay sa PLLO sa ilalim ng OES na pinangungunahan lamang ng isang Undersecretary.
Pinalitan ni Salceda ang dating pinuno ng tanggapan na si Adrian Bersamin na nagbitiw sa pwesto noong Nobyembre 2025 matapos madawit sa isyu ng diumano’y anomalya sa flood control budget.
