Pinangunahan ni GSIS President and General Manager Wick Veloso (2nd L), kasama sina VP Deity Manampan (L) at SVP Racquel De Guzman-Buensalida (R), ang pag-aabot ng titulo ng lupa sa tatlong kawani ng gobyerno mula Baguio at Benguet nitong Hulyo 16, 2026 sa ilalim ng GSIS Pabahay Program at 4PH Housing Agenda ng administrasyong Marcos.
May sarili nang tahanan at lupa ang tatlong kawani ng pamahalaan sa Baguio City at Benguet matapos silang pormal na gawaran ng Transfer Certificates of Title ng Government Service Insurance System (GSIS) sa ilalim ng GSIS Pabahay at suporta sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Mismong si GSIS President at General Manager Wick Veloso ang nag-abot ng mga titulo kina Imelda Cristeta D. Villamar (PhilHealth-CAR), Aurora T. Valbuena (MTCC-Baguio), at Lorna A. Bandonill (GSIS Baguio).
Ayon kay Veloso, naisakatuparan ang pangarap ng tatlong kawani sa pamamagitan ng programang Lease with Option to Buy (LWOB) ng GSIS.
Sa ilalim ng proyektong ito, pinapayagang arkilahin muna ng miyembro ang mga nabawing ari-arian ng GSIS at saka ito bibilhin nang walang anumang paunang bayad o downpayment.
BASAHIN: GSIS naglaan ng P520-M emergency loan sa mga nabiktima ng dengue at peste sa La Union at Negros Occidental
Mayroon din itong mababang interes kumpara sa mga bangko at flexible payment terms na umaabot hanggang 25 taon, bukod pa sa pag-condone o pag-alis sa mga penalty ng mga tapat na nagbabayad.
Umabot na sa higit 5,000 pamilya sa buong bansa ang nakinabang sa LWOB program ng GSIS, habang bukas pa ang higit 12,000 acquired assets para sa mga interesadong miyembro.
Kabilang dito ang 22 ari-arian sa Cordillera Administrative Region (CAR) na matatagpuan sa Baguio City, Itogon, La Trinidad, at Tuba, Benguet na handang ipamahagi upang magbigay ng permanenteng tirahan at magandang kinabukasan sa mga empleyado ng gobyerno.
