Naglabas ang Government Service Insurance System (GSIS) ng P520.08 milyong emergency loan assistance para sa 21,153 aktibong miyembro at pensioners na kasalukuyang binabayo ng magkahiwalay na krisis sa Bagulin, La Union at lalawigan ng Negros Occidental.
Layunin ng nasabing inilabas na pondo na magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga pamilyang direktang naapektuhan ng mga idineklarang emergency at kalamidad sa kani-kanilang lokalidad.
Maaaring mag-apply hanggang Agosto 16 ang mga miyembro sa Bagulin, La Union na isinailalim sa state of public health emergency dahil sa tumataas na kaso ng dengue.
BASAHIN: GSIS, NAGLAAN NG P12.62-M EMERGENCY LOAN PARA SA PUERTO GALERA DULOT NG EL NIÑO
Samantala, hanggang Agosto 14 naman ang aplikasyon para sa mga taga-Negros Occidental na idineklarang nasa state of calamity matapos pinsalain ng pesteng red-striped soft scale insect ang mga tubuhan sa lalawigan. Babayaran ang loan sa loob ng tatlong taon o 36 buwan na may mababang anim na porsyentong (6%) interes kada taon at walang anumang karagdagang service fee.
Upang makapasok sa programa, kinakailangang walang overdue na utang sa GSIS na lagpas sa anim na buwan ang aplikante at may natitirang net take-home pay na hindi bababa sa P5,000 para sa mga empleyado, o 25% na natitirang buwanang pension para sa mga pensioners.
Inianunsyo ng GSIS na mas mabilis at hassle-free ang pag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, kung saan direktang ikakarga ang naaprubahang pondo sa ATM account ng miyembro.
