Apat na pangunahing reclamation projects sa Manila Bay ang pormal nang pinahintulutang magpatuloy ng pamahalaan matapos ang masusing pagsusuri sa epekto nito sa kalikasan at ekonomiya.
Ito ang inihayag ni Philippine Reclamation Authority (PRA) Chairperson Alexander Lopez sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum.
Ayon kay Lopez, kabilang sa mga naaprubahang proyekto ang dalawa sa Pasay City, isa sa Lungsod ng Maynila, at isa sa Bacoor, Cavite, bukod pa sa 50-hektaryang pasilidad para sa expansion ng Navotas Fish Port.
Ayon sa pamunuan ng PRA, maingat ang administrasyon sa pag-aapruba ng mga reclamation site upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa pinakamataas na pamantayan ng seguridad, engineering, at proteksyon sa kalikasan.
“We don’t just advance immediately if it hasn’t been studied thoroughly,” pahayag ni Lopez, habang binigyang-diin na isinailalim sa cumulative impact assessment ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga proyekto upang makita ang pangkalahatang epekto ng mga ito sa Manila Bay.
BASAHIN: Reclamation Projects ng Administrasyong Marcos sa Metro Manila, Ligtas sa mga Resident
Inianunsyo rin ng PRA na apat (4) na bagong isla ang mabubuo sa Pasay City pa lamang.
Sa kabuuang 6.5 milyong metro kuwadrado (650 hectares) ng bagong lupang lilikhain sa Pasay, 51 porsyento o 3.25 milyong sq.m. ang direktang itititulo sa pangalan ng Rehiyon/Lungsod ng Pasay at ng Republika ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Lopez na ang imprastraktura sa nasabing proyekto ay walang gagastusin ang gobyerno.
Tutustusan ng private sector ang humigit-kumulang P200 bilyong halaga ng mga pasilidad kabilang ang 88 kilometro ng mga bagong kalsada at boulevard, 12 hanggang 15 tulay na mag-uugnay sa mga bagong isla kung saan 12 sa mga ito ay masisimulan bago mag-2027, at 122 kilometro ng flood control at drainage system na kasama rin ang mga linya ng kuryente, tubig, at internet.
Nilinaw din niya na inatasan ng pamahalaan ang mga developer na iurong nang 500 metro ang ilang bahagi ng reclamation (tulad ng sa SM project malapit sa Sofitel) upang magbigay-daan sa mas malawak na open space at dagdag na proteksyon laban sa pagbaha.
Inakyat din sa 4 na metro ang elevation nito upang maging flood-proof.
Samantala, dahil sa maayos na pagtakda ng tamang appraisal value sa mga lupa ng gobyerno at pagsasaayos ng mga pampublikong ari-arian, umakyat ang kabuuang asset ng PRA mula P37 bilyon tungong P228 bilyon—isang 800 porsyentong pagtaas.
Inaasahan din ng ahensya na aabot sa P500 bilyon ang assets nito bago matapos ang taon.
Dahil sa magandang performance sa financial at operational standards, pormal na ring nailagay ang PRA bilang isang Class A Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) mula sa dating Class C classification, na naglalagay sa ahensya sa antas ng GSIS at Landbank.
Tiniyak ni Lopez na protektado na ang mga ari-arian ng Estado laban sa underselling o pagbebenta sa mababang halaga.
“We fixed the appraisal of values… No one from now until eternity can undersell or underlease government property,” aniya.
